WALA ng buhay nang matagpuan ang isang babaeng inhinyero matapos bistayin ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng Dingras sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa ulat ng lokal na pulisya, nangyari ang pamamaslang sa 31-anyos na babaeng engineer na konektado sa isang private construction company, hindi kalayuan sa kanyang tahanan sa Barangay San Marcelino ng nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon, isang residente ng naturang barangay ang nakapansin sa isang van na nahulog sa kanal. Nang usisain, tumambad ang duguang biktima.
Agad na itinawag ang insidente sa himpilan ng pulisya na mabilis naman rumesponde. Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang hindi pinangalanang biktima.
Sa follow-up operation, narekober ng scene of the crime operatives ang limang basyo ng bala mula sa kalibre .45.
Patuloy ang imbestigasyon sa hangarin matukoy ang salarin at motibo sa pagpatay. (EDWIN MORENO)
