SA halip na ipadama ang diwa ng Kapaskuhan, pasakit ang handog ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga negosyo’t kabahayan sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigan.
Pag-amin ng Energy Regulatory Commission (ERC), nakatakdang tumaas sa buwan ng Nobyembre ang singil ng Meralco sa sa Metro Manila, at malaking bahagi ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Ang itinuturong dahilan ng ERC — pagtaas ng feed-in tariff allowance na ibinabayad sa mga renewable energy developer.
Paliwanag naman ni Joe Zaldarriaga na tumatayong vice president at head ng corporate communications ng Meralco, ang naturang dagdag ay sisingilin sa mga customer upang mabayaran ang mga producer ng renewable energy.
Aniya, papalo sa 20 sentimos kada kilowatt hour ang sisingilin sa mga konsyumer — bukod pa sa generation charge.
Gayunpaman, nilinaw ni Zaldarriaga na patuloy ang pag-aaral ng kumpanya sa posibleng epekto ng naturang hakbang bago pa man ipatupad ang dagdag-singil.
