DEAD-on-the-spot ang 32-anyos na security guard makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaking sakay ng motorsiklo sa Quezon City Linggo ng hapon.
Kinilala ang 32-anyos na biktima sa alyas na “Malang,” may-asawa, security guard, at residente ng Examiner St., Barangay West Triangle, sa nasabing lungsod.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas 5:25 ng hapon nitong Linggo (Nobyembre 2), nang mangyari ang pamamaril sa harap ng Blade Auto Center na matatagpuan sa kanto ng Mindanao Ave., at Arty 2 St., sa Barangay Talipapa, Quezon City.
Ayon sa imbestigasyon ni PSSg Jordan Barbado, sakay ang biktima ng itim na Yamaha Aerox at habang binabaybay ang northbound ng Mindanao Ave. nang biglang nag maniobra ang suspek na sakay din ng motorsiklo at agad na nagpaputok ng baril.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos matiyak na wala nang buhay ang biktima.
Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano, lumalabas na nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala ng baril sa kaliwang katawan
Nasamsam sa crime scene ang mga basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril at itim na Yamaha Aerox na pag-aari ng biktima.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril at sinusuri na rin ang mga CCTV sa nasabing lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng salarin.
