HINDI na bago ang usad-pagong sa mga kasong isinampa sa National Prosecution Service, pero para sa Department of Justice (DOJ), higit na kailangan ang mas mahabang pasensya ng publiko.
Apela ng DOJ, huwag masyadong mainip sa mabagal na proseso lalo pa’t may mga legal na prosesong alinsunod sa umiiral na batas. Hindi rin anila pwedeng padalos-dalos ang pagsasampa ng kaso para tiyakin matibay ang ebidensyang isusumite sa husgado.
Partikular na tinukoy ng kagawaran ang usapin ng flood control scandal, at maging sa kontrobersyal na missing sabungero.
Paliwanag ni Prosecutor General Anthony Fadullon, ang pagpapalabas ng mga desisyon sa ilang mga kaso — lalo pa kung malaki o maselan at kontrobersyal — ay maingat na sinusuri ng tanggapan ng tagausig.
Pag-amin ni Fadullon, sila man ay naiinip na rin, pero hindi naman aniya maaaring madaliin ang isang bagay dahil lamang sa gustong pakalmahin ang galit ng publiko.
Ipinaliwanag ni Fadullon kung ang habol o nais lamang ng publiko na makakuha agad ng desisyon sa mabilis na panahon ay hindi ito katanggap- tanggap dahil may sinusunod na proseso sa demokrasya.
Kailangan aniya maihain ang kaso na may matibay na ebidensya para matiyak na tatayo ang kaso sa husgado. (JULIET PACOT)
