HINDI pang-opisina ang kalidad ng isang dating Philippine National Police (PNP) chief, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, kasabay ng anunsyo sa magiging papel ni Gen. Nicolas Torre III bilang bagong general manager ng nasabing ahensya.
Ayon kay Artes, pangangasiwaan ni Torre III ang nasa 70% hanggang 80% ng operasyon ng ahensya.
“Basically nag-usap na kami kasama yung top management ng MMDA at lahat ng operation matters na may kinalaman sa ahensya, which is I think 70% to 80% ng trabaho ng MMDA will be under him directly,” wika ni Artes sa isang briefing.
Paliwanag ni Artes, malaking kaluwagan sa MMDA ang paghirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Torre sa ahensya para aniya matutukan na niya ang administrative at planning aspect ng MMDA.
Noong nakaraang linggo ay nanumpa si Torre bilang general manager ng MMDA kapalit ni Procopio Lipana.
Bukod sa pagiging punong-abala, si Torre na rin aniya ang tatayong tagapagsalita ng MMDA.
“Si GM Torre na ang magiging designated spokesperson ng MMDA. So lahat ng request for interviews, sa kanya niyo na po i-course.”
Inaasahan naman na bibigyang-prayoridad ni Torre ang disiplina ng mga traffic enforcer at susuriin ang traffic management sa mga lugar tulad ng Marcos Highway at Commonwealth.
“Ang tingin ko naman sa buong makinarya ng gobyerno ay malaking team. Kumbaga sa basketball hindi naman araw-araw sasabihin ng coach ay forward ka, or ito ang role mo. May option ang ating coach, ang ating Presidente, kung saan niya ilalagay ang kanyang mga tao,” ayon naman kay Torre. (LILY REYES)
