WALA ng buhay nang matagpuan palutang-lutang sa Tullahan River sa Novaliches, Quezon City ang 45-anyos na construction worker, Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktima sa alyas na Renjie na residente ng Kalye Asuncion, Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), dakong ala-1:00 ng hapon nitong Linggo (Enero 4) nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa ilog hindi kalayuan sa Kalye Placida Kaliwa, sa nasabing lugar
Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Rainier Robert Abundo, alas-11:00 ng gabi noong Sabado (Enero 3), huling nakitang lasing ang biktima na umiihi sa likod ng kanilang tirahan.
Ilang sandali pa, nalaman na lamang ng kanyang asawa na nawawala ang mister kaya nagpasyang hanapin ang asawa.
Kinabukasan, isang tawag ang natanggap ng QCPD mula sa isang nagngangalang Angelica sa nakitang bangkay na lumulutang sa Tullahan River.
Nang maiahon ang bangkay ng biktima, positibong kinilala ang biktima ng kanyang asawa.
Hinala ng pulisya, nadulas ang biktima dahil sa kalasingan. (LILY REYES)
