ISA pang sasakyang dagat ang nagka aberya habang naglalayag sa karagatang sakop ng lalawigan ng Basilan.
Gayunpaman, swerteng nakaligtas ang nasa 225 na pasahero at crew ng isang pampasaherong barko na sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat hindi kalayuan sa Pangasahan Island.
Sa ulat ng PCG, nakaranas ng problema sa rudder ang ML AS Express 2 bandang alas 4:47 kaninang umaga habang naglalakbay patungo sa Sulu. Agad naman tumawag ng saklolo ang kapitan ng barko.
Ilang sandali pa, dumating ang BRP Tubbataha na nagkataong nasa Basilan para sa search and rescue operation kaugnay ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3
Inilipat ng crew ng Tubattaha ang 128 na sakay ng nasirang barko habang nanatili ang iba pa kasama ang crew.
Hanggang kanina, patuloy ang paglalayag ng BRP Tubattaha pabalik ng Zamboanga City habang hatak ang ML AS Express 2 kung saan doon ibababa ang lahat ng apektadong pasahero. (JULIET PACOT)
