SA kabila ng pagiging state witness, posibleng masadlak pa rin si former Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo matapos ipag-utos ng Court of Appeals (CA) ang pag-freeze sa ilang sa kanyang mga ari-arian at pera sa bangko.
Damay rin sa freeze order ang anim bank account ng anak ni Bernardo, bunsod ng umano’y kahina-hinalang transaksyon na nadiskubre ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Kabilang sa isinailalim sa freeze order ang walong insurance policies na nakapangalan sa dating DPWH official, anak na nagngangalang Sunshine at dalawang iba pa.
Partikular na nasilip ng AMLC ang paglobo ng pondo sa mga bank account ni Sunshine mula 2023 hanggang 2025 — kabilang ang P7.85 milyong cash deposits na hindi tugma para sa isang pribadong indibidwal na walang history ng financial activity.
Nabisto rin ang umano’y “sabwatan” na kinasasangkutan nina Bernardo, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at yumaong Usec. Catalina Cabral.
