PATONG-patong na kaso ang inihain ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang high-profile na mambabatas.
Nag-ugat ang kaso matapos ibuyangyang sa pagdinig ng House Justice Committee ang kanyang mga confidential record sa bangko.
Kabilang sa mga sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law at Data Privacy Act sina Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona na tumatayong chairman ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, Reps. Gerville Luistro Percival Cendaña, Jose Manuel “Chel” Diokno at Leila de Lima.
Abril 22 nang idetalye ng AMLC ang bank transactions ni Carpio sa isinagawang pagdinig ng House Justice Committee.
Ayon kay Atty. Peter Paul Danao, na tumatayong abogado ni Carpio, malinaw ang probisyon sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act — mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubunyag ng impormasyon “sa anumang paraan” nang walang utos ng korte o pahintulot ng depositor.
Kinuwestiyon din ni Danao kung bakit ang isang pribadong mamamayan tulad ni Atty. Carpio ay kinaladkad sa paglilitis kung saan dapat lamang nitong saklawin ang termino ng bise presidente.
Aniya, nagsabwatan ang nabanggit na mga personalidad na ilabas ang mga classified bank records na protektado ng Anti-Money Laundering Act of 2001, Law on Secrecy of Bank Deposits at maging ng Data Privacy Act.
Sa isang panayam, sinabi ni Danao na napilitan nang kumilos si Carpio hindi lang para ipagtanggol ang kanyang asawa at ang pamilyang Duterte kundi para protektahan ang buong banking system.
Paliwanag pa ng legal counsel ni Carpio, may tamang proseso na dapat sundin para ilabas ang bank statement ng isang indibidwal at ito ay ang bank inquiry order na hihilingin sa AMLC.
