HINDI bababa sa 19 katao ang kumpirmadong nasawi matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Maasim, Sarangani Lunes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
“Doon sa mga reports na natanggap natin, sa ngayon meron pong 19 na hindi nakaligtas doon sa lindol,” wika ni Junie Castillo na tumatayong tagapagsalita ng Office of Civil Defense.
Sa naturang bilang, 16 ang mula sa Soccsksargen, habang tatlo naman ang mula sa Davao Region.
Karamihan aniya sa mga biktima ang nasawi matapos madaganan ng gumuhong istraktura, at pagguho ng lupa.
Batay sa abiso ng Phivolcs, nangyari ang pagyanig ng lupa dakong 7:37 ng umaga. Natukoy ng ahensya ang sentro ng lindol sa layong 32 kilometro timog-kanluran ng bayan ng Maasim na may lalim na 33 kilometro.
Naitala ang Reported Intensity VII sa General Santos City, habang Intensity VI naman sa mga bayan ng Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.
Sapul naman ng Intensity V na lindol ang Davao City, Kidapawan City at Carmen sa Cotabato, gayundin sa Bagumbayan, Kalamansig at President Quirino sa Sultan Kudarat, at sa Sibuco at Siocon sa Zamboanga del Norte.
Ramdam din ang lindol sa iba pang bahagi ng Mindanao kabilang ang Mati City sa Davao Oriental, Butuan City, ilang bayan sa Zamboanga Peninsula, at maging sa ilang lugar sa Leyte at Southern Leyte.
Bagamat itinaas ang tsunami warning, wala pang naitalang pagsampa ng alon sa baybaying bahagi ng naturang probinsya.
Inaasahan naman ang pinsala at aftershocks matapos ang lindol, ayon pa sa Phivolcs.
