PERSONAL na binisita ni House Speaker Faustino Dy III ang bayan ng Ramon, sa lalawigan ng Isabela, matapos idulog ng mga mangingisda ang kinakaharap na suliranin bunsod ng fish kill.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Dy ang agarang tugon ng Kamara sa bisa ng pagpapatibay ng resolusyon para tugunan ang nangyaring fish kill sa lalawigan.
Kasama si Isabela Vice Governor Faustino “Kiko” Dy II, nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan ng lider ng Kamara sa mga lokal na mangingisda at national government para sa pagpapaabot ng tulong at iba pangangailangan ng mga apektadong sektor.
“Ngayon kami po ay makikinig sa mga report para lalo pong kami rin ay makapagbigay ng update sa national para sa ganoon kung ano pa po ang dapat naming gawin para mabigyan natin ng tamang solusyon at tamang pagtulong sa ating mga naapektuhan kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” pahayag ng lider-kongresista.
Pagtitiyak ni Dy, personal na niyang ipinabatid kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maging sa Department of Agriculture (DA) ang naranasan ng mga mangingisda bago pa man dumato sa bayan ng Ramon.
“Titingnan po natin kung ano pong pinaka-agaran at mabilis na paraan para makatulong tayo sa ating mga naapektuhan kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” paniniguro ni Speaker Dy sa kanyang mga kababayan.
“Alam natin napakalaki ng epekto na ito sa inyo pong industriya, lalong-lalo na sa nakita po namin sa lala ng tagtuyot,” dagdag niya.
Bukod aniya sa agarang tulong sa mga pamilyang apektado ang kabuhayan, bubuo rin ng long-term solutions sa layong maiwasan maulit ang kahalintulad na insidente.
Batay sa paunang ulat, tinatayang aabot sa P120 million ang halaga ng pinsala sa Magat dam, kasama na ang nasa higit P20 million sa Ramon, Isabela pa lamang. Unang napansin ang pagkamatay ng mga isda sa lugar noong Hunyo 23.
Paniniwala ng fisheries authorities, ang mahabang tagtuyot, matinding init, pagbagsak ng water level sa Magat Dam, pagbaba ng oxygen level ang silang pangunahing dahilan sa pagkamatay ng mga isda na nasa cages.
