USAP-USAPAN sa Dasmariñas City sa lalawigan ng Cavite ang napipintong sagupaan ng mag-inang Barzaga para sa posisyon ng kongresista sa ikaapat na distrito ng naturang probinsya.
Ayon sa mga residente ng Dasmariñas, puspusan na ang paghahanda ni Mayor Jenny Barzaga na ina ng sinibak ng Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, sa nalalapit na special election sa Agosto 29.
Pag-amin ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia, may mga impormasyong nakarating sa kanyang tanggapan hinggil sa nagbabadyang sagupaan ng dating kongresista at alkaldeng ina.
“Ang sabi, yung mga dating tumakbo na. We were likewise informed, mga balibalita, na the good mayor of Dasmariñas, Cavite, who happens to be the mother, will be running likewise as congressman,” wika ni Garcia sa panayam ng Bilyonaryo News Channel.
Nakatakda ang paghahain ng certificate of candidacy para sa special election mula Hulyo 15 hanggang 17, habang itinakda naman ang botohan sa Agosto 29.
Paglilinaw ni Garcia, walang kapangyarihan ang Comelec pigilan ang sinumang nais tumakbo — maliban na lang kung may pinal na hatol para sa disqualification ng isang kandidato.
Buwan ng Hunyo nang tuluyang sipain ng Kamara si Barzaga bunsod ng hayagang paninira sa mga kapwa kongresista — at maging sa Kongreso.
