PARA tiyakin nasa maayos na kalagayan ang nasa 8,000 pamilya sa iba’t-ibang evacuation centers bunsod ng patuloy na pag-alboroto ng Bulkang Mayon, hinikayat ni Senator Bong Go ang national at local government na ibuhos ang lahat ng tulong sa mga apektado ng kalamidad.
Ayon kay Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health at kilalang tagapagsulong ng disaster preparedness at resiliency, hindi dapat tipirin ang pagpapadala ng tulong sa tuwing may kalamidad.
Hinimok din ng senador ang mga residente mula sa mga barangay na pasok sa six-kilometer radius permanent danger zone ng Mayon na manatiling alisto, at handa sa anumang posibleng kaganapan.
“Sa ngayon po ay under state of calamity na ang Albay pursuant to a resolution of the Sangguniang Panlalawigan. Ibig sabihin, pwede na nilang gamitin ang kanilang calamity funds,” ani Go matapos siyang bumisita sa Pili, Camarines Sur nitong Sabado.
Isinailalim ng provincial government ng Albay ang lalawigan sa state of calamity, alinsunod sa Resolution No. 0607-2023 ng provincial board.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng LGU sa disaster response efforts at hinimok niya silang unahin ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa pagkilala sa mga potensyal na panganib na dulot ng aktibong bulkan, hinimok niya ang LGU na pakilusin ang kanilang mga resources at tiyakin ang agarang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga apektado.
Umapela rin si Go na tiyakin ang availability at accessibility ng mga emergency shelters, evacuation route, at essential supplies sakaling magkaroon ng malakas na eruption.
“Nakikiusap po ako sa ating national government, sa ating LGUs na ilikas agad ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar kung kailangan, at bigyan ng maayos na evacuation center. ‘Yung malinis at maayos na evacuation center.”
