Ni ESTONG REYES
NAKATAKDANG talakayin at pagpasyahan ng Senado ang panukalang batas na nagtutulak sa pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo, ayon kay Senador Ronald dela Rosa.
Sa isang pahayag, inamin ni dela Rosa na hati ang mga mambabatas hinggil sa naturang panukala, pero kumpyansa pa rin aniya siya na mas marami ang pabor na ibalik ang mandatory ROTC sa mga estudyante sa kolehiyo.
“Ako, kung magka botohan, sure ako na mananalo. Pero hindi overwhelming. Slim margin — kung magkaka botohan ha. Kung magkakabotohan, we will win by a slim margin,” wika ng senador.
Kamakailan lang, nakipagpulong si dela Rosa kay Senate President Juan Miguel Zubiri para hilingin talakayin sa plenaryo ng Senado ang Mandatory ROTC bill.
Katwiran ni dela Rosa, marami di umano ang nangungulit sa kanya.
“Kinukulit na ako kung bakit hindi pa raw lumabas ang batas na yan so sabi ko kay Senate President Zubiri baka pwedeng ikuwan natin, i-tackle na natin,” kwento ng mambabatas.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Zubiri isasama sa adyenda ang panukalang Mandatory ROTC bill sa muling pagbubukas ng sesyon sa Mayo.
