Ni ANGEL F. JOSE
SAKLOLO ang hiling ng isang kawani ng Commission on Elections (Comelec) office na nakabase sa bayan ng La Paz sa lalawigan ng Abra bunsod ng di umano’y pagbabanta at pagpapalayas ng alkalde.
Ayon sa isang Chadela Tuazon na tumatayong election assistant ng local Comelec office, binulyawan, tinakot at pinalayas di umano siya ni La Paz Mayor Joseph Bernos matapos paalalahanan hinggil sa panuntunang mahigpit na nagbabawal sa mga elected officials na makialam sa isinasagawang paghahanda para sa 2025 national and local elections sa Mayo ng susunod na taon.
“Bakit nyo ako kinakalaban? Anu ang gusto ninyo digmaan? Lumayas ka dito. Ayaw kong mag-opisina ka dito. Kanino kayo nagpa-alam? Ako ang mayor dito,” wika ni Bernos batay sa salaysay ni Tuazon.
Ayon kay Tuazon, ginawa ng alkalde ang pananakot at pagpapalayas sa harap ni local election officer Rodrigo Basa at mga empleyado ng iba’t ibang tanggapan sa munisipyo kung saan nag-oopisina ang local Comelec office.
Matapos ang insidente, pinablotter ni ni Tuazon sa lokal na himpilan ang di umano’y pananakot ni Bernos
Samantala, nanawagan si Tuazon kay Department of Interior and Local Government (DILG) para maglunsad ng imbestigasyon sa aniya’y pang-aabuso ng mayor sa nasabing bayan.
Wala pang pahayag ang tanggapan ni Mayor Bernos kaugnay ng alegasyon ni Tuazon.
