Ni LILY REYES
MULA sa pagiging tagapagtanggol ng mga akusado sa husgado, isa nang suspek ang abogado matapos matimbog ng Quezon City Police District-District Drug Enforcement Unit sa isang buy-bust operation sa nasabing lungsod.
Bukod kay Atty. Camilo Montesa IV ng Barangay Central Diliman, arestado rin sa operasyon kontra droga ang isang Ma. Victoria Balajadia na di umano’y kasosyo ng abogado sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Sa ulat ng QCPD-DDEU, kapwa nasa drug watchlist ang pangalan nina Montesa at Balajadia.
Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang mahigit sa 202 gramo ng shabu na may tinatayang P1.3 milyong halaga sa isinagawang buy-bust operation na ikinasa matapos makatanggap ng impormasyon sa mga ilegal na aktibidad ng abogado.
Nakapiit na sa QCPD custodial facility ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
