
SA hindi inaasahang pagkakataon, naungusan ni Sen. Pia Cayetano ang mga bigating personalidad – kabilang ang dalawang dating Pangulo– na tinutulak na lumahok sa 2025 senatorial election.
Batay sa resulta ng pangangalap ng datos na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), nanguna si Sen. Cayetano sa “aided” senatorial preference survey na isinagawa mula Abril 15-18, 2023 sa bisa ng face-to-face computer-assisted personal interview sa 1,200 adult reponsents.
Nakasungkit ng pinakamataas na antas ng public preference si Cayetano na nakakuha ng 20%, habang pumangalawa si dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Sumunod naman sina dating Vice President Jejomar Binay, dating Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo at Bong Go.
Halos malaglag naman sa Magic 12 ang natalong 2022 presidential candidate na si dating Senador Manny Pacquiao na nakakuha lang ng 6%.
Kabilang rin sa mga umarangkada sa “aided” survey ang isa natalong kandidato sa posisyon ng Pangulo – si dating Manila Mayor Isko Moreno. Pasok sa talaan sina Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr., former Quezon City Mayor Herbert Bautista, dating Senador Bam Aquino, Noli de Castro, Ronaldo “Bato” Dela Rosa, Lito Lapid at Gloria Macapagal-Arroyo.
Hindi pumasok sa unang 14 senatoriables sina Imee Marcos, Social Development Secretary Rex Gatchalian, dating Senador Panfilo Lacson, Atty. Chel Diokno, dating Senate President Franklin Drilon. Dikitan naman ang dalawa Sotto – dating Senate President Tito Sotto at pamangkin niyang Pasig City Mayor Vico Sotto.
Paglilinaw ng SWS, mayroong ±3% sampling error margin para sa national percentages, at ±6% sa Metro Manila, Balance ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Samantala, tinuligsa naman ng cause-oriented groups ang mga di umano’y pekeng SWS survey result kung saan lumalabas na si Tulfo ang nangunguna.