NAUWI sa personalan ang hidwaan sa pagitan ng dalawang alkalde ng mga lungsod na nag-aagawan sa ganansyang nagmumula sa Bonifacio Global City.
Katunayan, naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Taguig City Mayor Lani Cayetano. Partikular na hiniling ni Cayetano sa hukuman magpalabas ng show cause order si Makati Mayor Abby Binay kaugnay ng isinapublikong pahayag kamakailan.
Una nang sinabi ni Binay na hindi pa tapos ang kaso ng Taguig-Makati territorial dispute dahil sa natanggap nilang dokumento mula sa Kataas-taasang Hukuman
Sa inihaing Extremely Urgent Manifestation with Motion Ad Cautelam ni Cayetano, target ng Taguig City Mayor na itama ang di umano’y mapanlitong pahayag ni Binay tungkol sa umano’y may itinakdang oral argument ang Mataas na Hukuman na napag-alaman na hindi totoo at gawa-gawa lamang.
Ayon pa kay Cayetano, walang natanggap na kautusan ang Taguig kaya nagtungo sa Korte Suprema si Atty. Warren San Jose ng Taguig Legal Office para magberipika. Dito na nilinaw ng Supreme Court – Third Division na siyang may hawak ng kaso, na walang order o resolusyon na ipinalabas at walang katotohanan na nagtakda ng oral argument.
“In view of the improper conduct of City of Makati and Mayor Binay, who herself is a member of the Philippine Bar and answerable to the Honorable court, it is most respectfully prayed that the Honorable court investigate this troubling claims made by Mayor Binay to show cause why they should not be sanctioned,” nakasaad sa mosyon ng Taguig.
Una na ring sinabi ni SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na walang oral arguments para sa Taguig-Makati dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso noong Setyembre 28, 2022 na pinagtibay ng SC ang nauna nitong desisyon noong Disyembre 1, 2021.
Sa ilalim ng court rules, ang kaso na naipasok na sa SC Book of Entries of Judgments ay nangangahulugan na ang kaso ay hindi na maaaring iapela o irebisa.
“While this claim turned out to be totally false, it appeared to support the social media posts about the proposed reopening of the case,” saad ni Cayetano.
Kinastigo rin ng Taguig ang paghahain ng ikalawang motion for reconsideration ng Makati para sa kaso. Ang ikalawang motion for reconsideration ay hindi pinapayagan sa mga kasong mayroon nang pinal na desisyon.
“Gusto ko po ipahayag bilang mayor ng Taguig na wala sa aming intensyon na may maantala na serbisyo publiko sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati. Ang intensyon po namin ay agarang pag-aralan na kung paano magsisimula sa transition dahil ultimately, kapakanan ng mga residente ang pinakamahalaga,” dagdag pa ng alkalde.
Iginiit ng alkalde na handa ang lokal na pamahalaan ng Taguig na itake-over ang 10 barangay na dating nasa Makati ngayong taon.