WALA ng buhay nang matagpuan ng rumespondeng search and rescue team ang lima katao – kabilang ang tatlong paslit – makaraang tumaob ang sinasakyang bangka sa Cagayan River na bahagi ng Barangay Naguilian Sur sa lungsod ng Ilagan, lalawigan ng Isabela.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawing sina Mervin Balubar, 36; Crisel Valdez, 43; at mga batang sina Reniel Dela Cruz, 9; Mark Catolico, 6, at Andrea Balubar, 5; pawang residente sa nabanggit na lugar.
Swerte naman nakalusot sa kalawit ng kamatayan ang iba pang lulan ng bangka – sina Ronaldo Ballesteros, 56; Beverly Alvarez, 16; Mary Joy Alvarez, 6; Cristine May Balubar, 9; at Angeline Balubar, 30.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, sakay sa isang bangka ang magkakamag-anak na nagtungo sa nasabing ilog para manguha ng tulyang kanilang binebenta bilang kabuhayan.
Habang binabaybay ang ilog, pinasok di umano ng tubig ang bangka sa kalagitnaan ng malawak na ilog na naging sanhi para tumaob at tangayin ng agos ang mga lulang magkakaanak.
Nagawa naman makalangoy ang ibang mga kaanak sa dalampasigan ng Cagayan River.
Ayon kay Brgy. Captain Ferdinand Salvador, kabilang sa sektor ng mga tunay na maralita ang mga biktimang tanging pangunguha ng tulya sa ilog ang ikinabubuhay.