INIHIHIRIT pa rin ng transport group na Manibela na magbabago ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa deadline para sa konsolidasyon ng public utility vehicles (PUV) operators na aksado sa December 31, 2023.
Ayon kay Manibela chair Mar Valbuena nitong Martes na mayorya ng mga miyembro ay hindi pa nakakasama sa konsolidasyon sa ilalim ng PUV modernization program (PUVMP) at 20% pa lamang ang nakatatalima ilang araw bago ang deadline.
“Kahit na alam natin na ang Pangulo na ang nagsalita, umaasa tayo na bago matapos ang taon ay magkaron siya ng puso at magkaron ng awa dito sa mga mawawalan ng trabaho na mga drivers at operators,” wika ni Valbuena.
Nauna nang idineklara ni Marcos na walang extension para sa deadline ng PUV consolidation, sa pagsasabing 70% ng PUV operators “have already committed to and consolidated” under the PUVMP.
Nitong nakaraang linggo, naghain ng petisyon ang ilang transport groups sa Supreme Court upang pigilan ang implementasyon ng PUVMP.
Umaasa rin umano ang transport group na maglalabas ang SC ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng PUVMP bago matapos ang taon.
“Kung hindi man talaga tayo mapagbibigyan [ng Pangulo], umaasa tayo sa Supreme Court. Kung hindi pa rin tayo mapakinggan pati ng Supreme Court ay ayun ay paguusapan pa namin,” aniya.
“Ang nakikita ko rito, bukod sa transport crisis, ay sunod-sunod na protesta ito.”
Kasalukuyang nagsasagawa ng kilos-protesta ang MANIBELA at PISTON mula December 18 hanggang 29 bilang pagtutol sa PUV operator consolidation.
Anang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakikipag-ugnayan na sila sa City Transport and Traffic Management Office hinggil dito. Nagpapatulong din sila sa bus operators upang asistihan ang mga pasahero na maaapektuhan ng strike.