
Ni Jam Navales
PARA sa isang bagitong kongresista, napapanahon na para bigyan ng angkop na prayoridad ang mga kawaning direktang tumutugon sa banta ng karamdaman, kasabay ng apelang pagtibayin ang panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
“We urge the Senate to prioritize the passage of its version of the Magna Carta for BHWs. Matagal na po nagtitiis ang ating mga BHWs at siguro naman napapanahon na para pakinggan natin ang kanilang mga hinaing,” apela ni House Committee on Health Vice-chairman at AnaKalusugan Partylist Rep. Ray T. Reyes sa Senado.
Ginawa ng pro-health advocate lawmaker ang nasabing panawagan kasunod ng napaulat na irregularidad sa pagsibak sa mahigit 80,000 BHWs sa pagpasok ng mga bagong barangay officials.
“Maling mali po ang biglaang pagtanggal sa ating mga BHWs. This further highlights the need for a law that will safeguard the rights of our BHWs and ensure that they are protected against unjust removal,” reaksyon pa ni Reyes.
“Primary healthcare services should always be a priority and we hope that giving proper compensation and benefits to our BHWs will encourage more people to serve in our communities, especially in remote areas,” dagdag ng kongresista.
Una nang inihain ng ranking House official ang panukalang Magna Carta, partikular ang iniakda niyang House Bill 1829 na nagsusulong ng karagdagang benepisyo at iba pa sa mga BHW.
Ika-12 ng buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon nang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang nasabing panukalang batas. Gayunpaman, nanatiling nakatengga sa senado ang dapat sana aniya’y magbibigay proteksyon sa hanay ng mga BHW.