Ni ESTONG REYES
MATAPOS pukulin ng ng mga kapwa mambabatas kaugnay ng imbestigasyon na kumaladkad sa pangalan ng Pangulo sa droga, rumesbak si Senador Ronald dela Rosa sa administrasyon hinggil sa umano’y panunuhol ng mga pulis para tumestigo sa International Criminal Court (ICC) laban kay former President Rodrigo Duterte.
Ayon kay dela Rosa, isang grupo ang masigasig na gumagapang at nag-aalok ng salapi sa mga retirado habang dagdag-ranggo naman aniya ang pangako sa mga aktibong pulis na papayag magbigay ng testimonyang magdidiin kay Duterte at ibang pinaniniwalaang bahagi ng madugong giyera kontra droga noong nakaraang administrasyon.
Katunayan aniya, isang taong gobyerno ang nagsisilbing bagman at namamahagi ng pera sa mga sang-ayon sa alok na pagtestigo sa ICC laban sa dating Pangulo.
Bukod kay Duterte, sabit din sa kasong “crime against humanity” na isinampa ng mga naulila ng hindi bababa sa 6,000 biktima ng extrajudicial killings sa ICC sina dela Rosa, at Vice President Sara Duterte kaugnay ng giyera kontra droga mula 2016 hanggang 2022.
“Ang alam ko may kasama diyan yung bagman, may bagman na kasama na financier. Kilala natin na may hawak na pera, yung tao na iyan kasama sa team nila. So baka nga pati yung upper class ko eh dahil nga siguro sa malaking bag yung dala-dala ng bagman na kasi nila sa team eh baka naimpluwensiyahan. Hindi naman sana ganun,” himutok ni dela Rosa na nagsilbing Philippine National Police (PNP) chief sa panahon ng dating Pangulo.
Una nang sinabi ni former Sen. Antonio Trillanes IV na maglalabas na ng warrant of arrest ang ICC laban kina Duterte at dela Rosa sa susunod na buwan.
“Itong nasa stage na yung ICC investigation na patapos na at baka magre-request na sila ng warrant… kaya ine-expect natin ito mga June at kung mag spillover man to July ‘yung warrant,” wika ni Trillanes sa isang pulong-balitaan kamakailan.
