
PARA sa 79% ng mga Pinoy, angkop lang manindigan ang administrasyong Marcos kaugnay ng usapin ng West Philippine Sea, kung saan anila naghahari-harian ang pinakamalaking banta sa Pilipinas – ang bansang China.
Sa pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Publicus Asia, mayorya ng mga Pinoy ang nagsabing hindi dapat pagkatiwalaan ang ang naturang bansa.
Batay sa Pahayag 2023 First Quarter survey sa 1,500 respondents na nakapanayam ng Publicus Asia mula Marso 2 hanggang 6 ng kasalukuyang taon, lumalabas na malaki ang tiwala ng mga Pinoy sa mga karatig bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – maliban sa China na nakasungkit lang ng 9%.
Pinakamarami naman ang nagtitiwala sa Japan (55%), Canada (45%), South Korea (39%), Australia (39%) and the US (39%), UK (34%) at European Union (30%)
Bukod sa China, diskumpyado rin ang mga Pilipino sa bansang Russia.
Sa kawalan-tiwala sa China, karaniwang dahilan ng mga respondents ang patuloy na pambabarako ng China sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone.
Sa larangan ng foreign policy ng pamahalaan, anim sa kada 10 Pilipino ang naniniwala sa estilo at estratehiya ni Marcos kaugnay ng usapin ng West Philippine Sea.
“The support encompasses not yielding to China, seeking diplomatic resolution to territorial disagreements, and fortifying bilateral cooperation between the Philippines and China. We have been following Filipino voters’ perceptions of certain countries and international organizations since the first quarter of this year. We can infer that voters have varying attitudes toward these entities, particularly the United States, China and Russia,” ayon kay Eric Estrabo na tumatayong project lead ng Publicus Asia.
Samantala, naniniwala naman ang isang opisyal ng National Security Council (NSC) na China ang may pakana sa pagpapakalat ng maling impormasyong sa hangaring pagsabungin ang mga Pilipino.
Ayon kay National Security Council assistant director general Jonathan Malaya, marami ang napaniwala sa tinawag niyang fake news na pinapakalat ng China sa tulog ng isang ‘tutang dyarista.’
Partikular na hinamon ni Malaya ang Manila Times columnists na si Rigoberto Tiglao na ilabas ang pinagyayabang na katibayan sa di umano’y ‘pangako’ ng Pilipinas noong 1999 sa bansang China na lilisanin ang Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang barkong BRP Sierra Madre – ang nag-iisang himpilan ng mga sundalong Pinoy na nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas.
“If he has proof then he has to show it because it seems we’re falling into the Chinese narrative,” hamon ni Malaya kay Tiglao.
“It’s the Chinese that’s making such a claim therefore they have to prove it because we’re falling into their trap instead of getting united as a nation. We fight among ourselves, thinking there are traitors in our midst,” dagdag pa niya.