
SA mga nakalipas na buwan, ipinamalas ni Major General Leo “Paco” Francisco ang pagiging mahusay na haligi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagbuwag sa mga lintek na illegal POGO at sindikato sa likod ng fuel smuggling.
Pero sa halip na gantimpala, iba ang kanyang napala. Sa kanyang pwesto siya’y pinababa.
Sa operasyon kontra illegal POGO, di ko na matandaan kung ilan biktima ng human trafficking na dumanas ng matinding pahirap sa kamay ng sadistang amo ang nasagip ni Paco.
Hindi rin matatawaran ang ipinakita niyang tapang laban sa mga armadong miyembro ng fuel smuggling syndicate sa lalawigan ng Batangas – 5,226 na suspek sa modus ng “paihi,” 707 armas at ebidensyang nagkakahalaga ng tumataginting na P441 milyon – bukod pa sa isinampang 916 kaso sa husgado.
Sangkaterbang wanted, sukol din sa CIDG sa kanyang pamumuno.
Sa madaling salita, naisalba ni Paco ang bahid ng Philippine National Police (PNP) bunsod ng kabi-kabilang bulilyaso ng kanyang mga kabaro.
Ang tanong – bakit itinapon ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa Personnel Holding and Accounting Unit si Paco? Ang ipinalit – si Major General Nicolas Torre III.
Bakit si Torre? Dahil ba sa matagumpay na pagdakip sa noo’y puganteng Pastor Apollo Quiboloy? Anyare Chief PNP?
Si Tateng na dapat iakya’t sa Command Group ay nanatiling director ng NCRPO. Ano kaya ang dahilan?
Sa pag-upo ni Torre lll, dumoble ang ilegal na operasyon ng smuggling syndicate ng petroleum products sa Batangas, Quezon, Laguna at Rizal sa halip na tumigil.
Namayagpag uli sina alyas Mike Romatiko na tatakbong gobernador ng Batangas, Tisoy at Nonit sa operasyon ng illegal na sugal tulad ng bookies at paihi ng mga produktong petrolyo.
Nagsulputan na din ang mga tinaguriang “Paihi King” na Violago Group, alyas Rico Mendoza na ang estilo’y takutin ang mga driver at pahinante ng trucking.
Kung hindi ka kumbinsido, mainam pasyalan ni PNP chief ang Bypass Road sa Barangay Banaba South at main gate ng Port of Batangas sa Barangay Sta Clara kung saan nakabalagbag ang mga truck na kargahan ng smuggled fuel.
Ang full tank na truck mula sa mga oil depot ay binuburiki ng grupo nina Rico, isang PNP opisyal, Buloy, Tisoy , Nonit at Roy sa Padre Garcia. Ganun din sina Amang at Violago sa Carmona Cavite, Troy sa Lucena, Sammy at Alfred sa Guinayangan, lalawigan ng Quezon.