NAKAHANDA ang House Committee on Agriculture and Food na gumamit ng poder, kabilang ang pagsasagawa ng imbestigasyon o pagdinig, para suportahan ang adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang presyo ng mga produktong pagkain.
“Upon the instruction of our Speaker Martin Romualdez and in line with the desire of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. to make food products affordable, we will observe and address food inflation,” pahayag ni Quezon Rep. Mark Enverga na tumatayong chairman ng naturang komite.
“We will not be intimidated by pressure from any source. We are here to serve our people’s interests under the PBBM administration,” dugtong ng Quezon lawmaker.
Magugunitang matapos na sumipa sa hanggang P800 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa huling bahagi ng 2022 ay agad na nagsagawa ang komite ni Enverga ng pagsisiyasat hinggil sa nasabing usapin.
Ang naturang pagdinig ay nagbigay-daan sa unti-unting pagbagsak sa presyo ng naturang agri-product, na sa una ay bumaba sa P700 hanggang sa maging P160 per kilo.
Sa pagpupursige ng nabanggit na komite, kung saan itinuturing na naging lead investigator nito si Marikina Rep. Stella Quimbo, natukoy rin kung sinu-sino ang nasa likod ng price manipulation at hoarding ng sibuyas, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA)
Kaya sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ay pormal na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista; Agribusiness and Marketing Assistance Service officer-in-charge Junibert de Sagun at Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Panganiban.
Bukod sa tatlo, sinampahan din ng kasong hoarding, falsification at profiteering sina Israel Reguyal, Mary Ann dela Rosa at Victor dela Rosa Jimenez, pawang mga opisyal ng Bonena Multipurpose Cooperative.
