KAILANGAN matuto ang pamahalaan sa aral ng kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng global geopolitics kung nais ng Pilipinas na makaiwas sa hidwaan sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Ito ang sagot ni Sen. Alan Peter Cayetano sa isang komento sa kanyang Facebook post noong March 26 tungkol sa librong “Has China Won?” na akda ng Singaporean diplomat at dating United Nations Security Council president na si Kishore Mahbubani.
Banat ng isang netizen, sadyang paulit-ulit na tema sa kasaysayan ng sangkatauhan ang digmaan at walang katapusang agawan sa teritoryo at resources sa pagitan ng mga bansa.
“It is sad really that we only have one Planet Earth, and yet there is no peace between us,” sabi pa ng commenter.
Tugon ng beteranong mambabatas na minsan nanungkulan bilang Foreign Affairs Secretary, kinilala niya ang punto ng naturang netizen at sinabing may dahilan pa rin na umasa para sa kapayapaan sa harap ng paulit-ulit na giyera sa kasaysayan.
“There is wisdom in learning from history. Let’s hope our policymakers, diplomats, and the military are studying the Cuban Missile Crisis and the genesis of the war between Russia and Ukraine,” aniya.
Ginawang halimbawa ng senador ang 1962 Cuban Missile Crisis, isang diplomatic standoff sa pagitan ng United States at Soviet Union noong panahon ng Cold War kung saan muntik nang dumausdos ang mundo sa bingit ng nuclear war.
Ang resolusyon sa naturang krisis ang nagsilbi namang hudyat ng simula nang unti-unting pagbaba ng tensyon sa pagitan ng US at Soviet Union sa nalalabing bahagi ng Cold War.
Isa pang halimbawa ng senador ay ang kasalukuyang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, kung saan mahigit isang taon nang nakubkob ng mga sundalong Russian ang malalaking bahagi ng eastern at southern Ukraine habang patuloy namang sinusuportahan ng mga kanluraning bansa ang paglaban ng mga Ukrainian fighters.
Makailang ulit nang sinabi ni Cayetano na mas makabubuti para sa Pilipinas ang maingat na diplomasya sa pakikipag-usap sa mga karatig-bansa at mga kaalyado nito, at pati na rin sa China na umaangkin sa ilang mga bahagi ng West Philippine Sea.
“I’m a believer in diplomacy. Ako’y naniniwala na hindi dahas, hindi war, at hindi rin po force ang magso-solve ng problema natin sa West Philippine Sea kundi diplomacy,” sinabi niya sa isang panayam noong June 2022.
Sa kanyang March 26 Facebook post, inihayag ni Cayetano na nais niyang mas matuto pa mula sa mga pananaw ng aniya’y “great thinkers and thought leaders” sa estado ng relasyon sa pagitan ng US at China, na kanyang inilarawan bilang isang “evolving relationship and rivalry.”
“May God Almighty give our leaders wisdom and understanding, that we may be the salt and light among nations, and that Filipinos may be instruments of peace, progress and transformation,” sinulat ng senador.
“I highly recommend (Mahbubani’s) book. I will recommend other readings on US-China (relations) soon,” dagdag pa niya.