INGAY na walang kwenta na mas bagay sa pelikula. Ganito ang paglalarawan sa panibagong “pasabog” ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co kaugnay ng kinasasangkutan bulilyaso.
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang ikalawang video ni Co ay halatang idinisenyo lang para lumikha ng ingay — puno ng “theatrics,” emosyon, at paratang sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
Ngunit paalala ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia: ang drama ay hindi ebidensya.
Anumang paratang aniya, gaano man kabigat at hindi napapatunayan sa pamamagitan lamang ng mga video na ginawa malayo sa bansa. Kailangan may kasamang dokumento at beripikadong katotohanan para maging kapanipaniwala.
EBIDENSYA ANG BATAYAN
Ang pinakamatapang na pahayag ni Co ay ang umano’y personal niyang pagdadala ng maleta ng pera sa Malacañang at kay former House Speaker Martin Romualdez.
Dun pa lang aniya, nawala na agad ang kredibilidad ng dating kongresistang nagtatago sa ibang bansa matapos mabisto ang sandamakmak na anomalya sa mga proyektong imprastraktura.
“Napakabigat ng paratang na personal kang naghatid ng pera sa Pangulo at sa Speaker,” ani Goitia. “Hindi pwedeng tanggapin iyan base sa salita lang. Dapat may dokumento, rekord, o anumang ebidensya. Kung wala, kwento lang yan”
Wala ni isang ebidensya ang kasama sa pahayag ni Co — walang visitor log, walang CCTV timestamp, may petsa pero nakakaduda.
Naglabas din si Co ng mga larawan ng mga nakahilerang maleta na sinasabi niyang naglalaman ng pera.
Ngunit ayon kay Goitia, hindi sapat ang larawan ng mga maleta para patunayan ang anumang anomalya — walang patunay kung saan ito kuha, kailan kinuha, sino ang nagdala, o ano ang tunay na laman, at kung dinala nga ito mismo sa Pangulo, sa Malacañang.
“Kung totoong may naganap na paghahatid ng pera, dapat may malinaw na bakas,” dagdag niya. “Pero wala siyang ipinakita — walang log, walang petsa, walang dokumento.”
At sa pananaw ni Goitia, mas nakakabahala ang mismong kawalan ng pruweba kaysa sa mga ipinupukol na alegasyon.
KWENTONG BUHOL-BUHOL
Magkakaiba rin ang mga pahayag ng puganteng ex-congressman.
Sabi niya, nagdala siya ng pera.
Sabi rin niya, wala siyang tinanggap na pera.
Sabi niya, napilitan lang siya.
Sabi rin niya, inilalantad niya ang katotohanan.
“Hindi puwedeng parehong totoo ang dalawang magkasalungat na pahayag,” sabi ni Goitia. “Kung ang isang kwento ay salungat sa sarili nito, hindi ito maaaring paniwalaan — malinaw na may butas at kahinaan ang naratibo.”
Ang mga kontradiksyon na ito ang lalong nagpapahina sa mga paratang.
HUSGADO, HINDI VIDEO
Muling giit ni Goitia, kung talagang totoo ang mga paratang ni Co, bakit hindi niya ito ilahad dito sa Pilipinas, sa ilalim ng panunumpa, sa mga institusyong may kapangyarihang magsiyasat?
Sa halip, sa video mula sa ibang bansa niya ito inilabas — malayo sa cross examination at sa tunay na proseso ng hustisya.
Lalo pang nagiging kahina-hinala ang pag-iwas niyang humarap sa tamang forum kung isinasaalang-alang ang ginawa ng Pangulo:
Nag-veto si Pangulong Marcos Jr. ng ₱194 bilyong questionable items sa 2025 national budget, isang opisyal at dokumentadong aksyon na salungat sa paratang ni Co.
Sa mga salita ni Goitia, ang lider na nag-aalis ng kuwestiyonableng pondo ay hindi maaaring siya rin ang lihim na naglalagay nito.
Hangga’t walang maipakitang ebidensya si Co sa tamang proseso, mananatili ang kanyang mga pahayag bilang kwento — hindi katotohanan.
KATOTOHANAN, HINDI KWENTO
Nag-iiba ang kwento ni Co sa bawat video. Pero hindi nagbabago ang pinakamahalagang bagay: wala pa rin siyang inilalabas na matibay na ebidensya.
“Kung walang matibay na ebidensya, hindi iyon katotohanan,” diin ni Goitia.
“At hindi dapat naapektuhan ang taumbayan ng mga akusasyong walang sapat na patunay.”
Pansamantalang nakakalikha ng ingay ang mga haka-haka, pero hindi nito kayang guluhin ang katotohanan — “Hindi ingay ang tatalo sa katotohanan,” sabi pa ni Goitia.
“Sa huli, ang katotohanan ang siyang magpapatahimik sa lahat ng ingay.”
Hangga’t hindi humaharap si Co sa tamang proseso at wala siyang mailatag na ebidensya, mananatili ang kanyang mga paratang bilang kwentong binubulong mula sa malayo — hindi mga katotohanang sinuri at pinatunayan dito sa Pilipinas.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na kilala at respetadong civic-oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement — mga platapormang patuloy niyang ginagamit upang isulong ang soberanya, reporma, at dignidad ng sambayanang Pilipino.
