
“WALA pong sisinuhin ang Quad Comm. There will be no sacred cows. We will leave no stone unturned in the search for truth, justice, and accountability,” ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers bilang tugon sa aniya’y “demolition job” na ikinasa ng mga sindikato at indibidwal na nasagasaan sa mga nakalipas na pagdinig.
Pag-amin ni Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs at lead chair ng House Quad Committee na inatasang mag-imbestiga sa kalakalan ng droga at extrajudicial killings na naganap sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Roa Duterte, may hawak na silang matibay at malawak na impormasyon para sa pagbabalangkas ng panukalang pamasak sa butas ng umiiral na batas.
Kabilang sa kinokonsidera ng Kamara ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga responsable sa extrajudicial killings, gayundin ang pag-embargo sa mga ari-arian binili sa pamamagitan ng mga pekeng dokumento at kanselasyon sa registration ng mga bogus na kumpanya.
Kasabay nito, binuweltahan din ni Barbers ang mga nasa likod ng malisyoso at walang basehang pagbatikos sa Quad Comm.
“Maraming bayarang trolls at kritiko na wala namang naintindihan sa usapin o sadyang ayaw umintindi… but the truth will prevail,” wika ng Mindanaoan lawmaker.
Nagpasalamat naman si Barbers sa tiwala ng mga mamamayang aniya’y nagbigay ng sigla at determinasyon sa joint panel para ituloy ang paglalantad ng katotohanan sa bisa ng congressional inquiry.
“Dahil sa inyong kooperasyon, suporta, paniniwala at pagtitiwala, ang Quad Comm ay matagumpay na humaharap sa lahat ng pagsubok upang mabatid ang katotohanan at mabigyan ng katarungan at kasagutan ang ating mga hinaing, tungo sa tunay na kapayapaan,” pahayag pa ng ranking House official.
Sa usapin ng EJKs, mariing kinondena ni Barbers ang inilunsad na madugong giyera kontra droga ng nakaraang Duterte administration.
“It was as if the war on drugs cannot be implemented without killing thousands of people,” ani Barbers kung saan inilarawan niya ang nakakapangilabot na sisterma ng karahasan at katiwalian umiiral sa panahon ng dating presidente.
Partikular na tinukoy ng Surigao del Norte solon ang pag-amin ng mga high-ranking officials, kabilang mismo si Duterte sa pagkakaroon ng “reward system” para patayin ang mga walang kalaban-laban na drug suspects.
“Rewards ranged from PHP 20,000 to P1 million, as testified by former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma and corroborated by former National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo,” paglalahad ng mambabatas.
“Kanyang inamin na inutusan niya ang mga kapulisan na patayin ang mga drug personalities, bagama’t sinabi nya na dapat ito ay manlaban, na kung hindi naman manlalaban ay dapat piliting manlaban upang ma-justify ang pagpatay,” sabi pa ni Barbers patungkol kay Duterte.
Binanggit din ng Quad Comm lead chair ang pagsisiwalat nina former Customs personnel Jimmy Guban, businessman Mark Taguba, at dismissed police colonel Eduardo Acierto hinggil sa pagkakasangkot umano sa large-scale smuggling operations nina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, mister ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio, at former presidential economic adviser Michael Yang, kung saan ang huli ay direktang iniuugay din sa drug trafficking.
Natukoy din ng Quad Comm ang ugnayan ng illegal POGO at kalakalan ng droga kung saan nahubaran ng maskara si former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, bilang isang Chinese national at major POGO operator.
“Guo was found to have laundered drug money through corporations linked to suspected drug lords Michael Yang and Lin Weixiong, also known as Alan Lim.” (Romeo Allan Butuyan II)