INIHAYAG ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang bahagyang pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19 sa mga pribadong ospital matapos ang selebrasyon ng mga pamilya ngayong Kapaskuhan.
Ayon sa report ng PHAPI, karamihan sa mga biktima ay mild na sintomas lamang dahil karamihan sa mga ito ay bakunado.
Sinabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano na ang bahagyang pagtaas ng bilang ng kaso ay dahil sa mga pagtitipun-tipon ng mga pamilya sa nakaraang okasyon.
Sa kabila naman nito, inaasahan ng PHAPI ang pagbaba ng bilang ng mga pasyente sa darating mga linggo.
Nitong nakaraang linggo ay ipinababalik ng University of the Philippines—Philippine General Hospital (UP-PGH) ang mandatory na paggamit ng face masks dahil sa pagtaas ng bilang ng apektado ng Covid-19 sa bansa.
Inirekomenda rin ng UP-PGH Hospital Infection Control Unit (HICU) ang pagsusuot ng face masks sa labas ng ospital lalo na kung siksikan at may masikip ang bentilasyon o kaya ay mahina o may sakit ang isang tao.