
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASUNOD ng pagbasura ng Supreme Court (SC) sa inihaing ‘Petition for a Writ of Amparo,’ iginiit ng mga namumuno sa House Quad Committee na mas makabubuti para kay former Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na tapusin na ang pagtatago at sumuko na lamang ito sa Kamara sa lalong madaling panahon.
“Sumuko ka na Atty. Roque,” pahayag ni Sta Rosa City Rep. Dan Fernandez, kasabay ng giit na walang kahahantungan ang pagtatago dating tagapagsalita ng Palasyo matapos lumabas ang SC ruling.
“Hindi na ito ang panahon para magpalusot, Atty. Roque should face the music and answer the allegations in the proper forum. Ang batas ang dapat manaig. Hindi dapat itago ni Roque ang kanyang sarili sa likod ng mga technicalities o mga writ na wala namang basehan,” sambit ni Fernandez, na co-chair ng Quad Comm at tagapamuno ng House Committee on Public Order and Safety.
Giit ng Santa Rosa City lawmaker, mismong ang high tribunal na ang nagsabing walang ginawa ang joint panels na anumang paglabag sa karapatang-pantao ni Roque kaya wala nang dapat na maging palusot sa hangaring umiwas sa arrest warrant na kalakip ng contempt dahil hindi pagsipot sa pagdinig, gayundin ang pagtanggi magsumite ng mga dokumentong kailangan sa imbestigasyon.
Sa panig ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chair ng Quad Comm, hinimok niya si Roque na sundin ang batas at makipagtulungan sa isinasagawa nilang imbestigasyon partikular ang nakababahalang pag-uugnay dito sa illegal POGO operations, kabilang ang biglang paglaki ng financial assets nito.
“The Quad Committee is uncovering layers of criminal activities tied to POGOs, and we need full transparency from everyone involved,” dagdag pa ng Mindanaoan solon, na chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
“Kung walang itinatago si Atty. Roque, bakit siya nagtatago? The public deserves to know the truth,” ani Barbers.
“If he believes he is innocent, he should welcome the opportunity to clear his name in a proper legal forum. Trying to escape through technicalities only raises more suspicions,” pagtatapos ng Surigao del Norte lawmaker.