
HINDI pa man ganap na umuusad ang kasong murder na isinampa laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag kaugnay ng pamamaslang sa isang batikang komentarista, dagdag asunto ang inihain naman ng kawanihan na dati niyang pinamumunuan kaugnay ng di umano’y anomalya sa likod ng mga isinulong na proyekto.
Kasong plunder, malversation of public funds, falsification of official documents, graft at paglabag ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang isinampa ni BuCor acting chief Gregorio Catapang sa tanggapan ng National Prosecution Service sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) laban kay Bantag.
Sa anim na pahinang reklamo, kabilang sa mga tinukoy na bulilyaso ni Catapang ang P1-bilyong halaga ng proyekto para sa pagtatayo ng tatlong bagong piitan – isa sa Davao Prison and Penal Farm, isa sa Iwahig Prison and Penal Farm sa lungsod ng Puerto Princesa (Palawan) at isa sa Leyte Regional Prison. “Respondent Bantag in conspiracy with, and with indispensable complicity of, the other herein respondents, has purposely and systematically orchestrated the diversion/ misappropriation and/or consenting or permitting other persons, to take public funds, of the Bureau of Corrections,” saad sa isang bahagi ng demanda.
Binigyang-diin rin ni Catapang ang kapuna-punang paglikha ni Bantag ng bukod na Bids and Awards Committee (BAC) para sa mga naturang proyekto.
Bukod kay Bantag, kaladkad rin sa patong-patong na kaso sina Correction Technical Superintendent Arnold Jacinto Guzman, Correction Inspector Ric Rocacurba, Correction Inspector Solomon Areniego, Correction Technical Officer 1 Jor-el De Jesus, Correction Technical Officer 2 Angelo Castillo at Correction Technical Officer Alexis Catindig.
Una nang sinampahan ng kasong murder si Bantag na itinuturong utak sa likod ng pagpatay sa batikang komentaristang si Percy Lapid sa lungsod ng Las Pinas noong Oktubre 3 ng nakaraang taon.