IMBES na rehabilitasyon para sa mas maayos na serbisyo, isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) isapribado na lamang ang operasyon ng Metro Rail Transit – Line 3.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Planning and Project Development Leonel Cray De Velez, tanging hudyat na lang ng pagtatapos ng kontrata ng Build-Lease-Transfer ang hinihintay ng kagawaran para pormal ng umusad ang isinusulong na privatization.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na pinag-aaralan din ng departamento ang posibilidad na pumasok sa Public-Private-Partnership (PPP).
“The government is currently studying doing a PPP (public-private partnership) for the operations and maintenance of MRT-3 after the current BLT agreement expires in July 2025,” pag-amin ni De Velez sa isang pulong-balitaan.
Sa ilalim ng 25-year BLT agreement, pamahalaan ang nangangasiwa sa operasyon ng 16.9-kilometer train system na itinayo ng Metro Rail Transit Corporation (MRTC) na siya ring nagmamay-ari ng pasilidad, habang tumatanggap naman ng buwanang renta mula sa gobyerno ang nasabing kumpanya. “We’re still studying it right now… The strategy is to privatize operations and maintenance,” ani De Vera. Taliwas naman sa unang pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang isinusulong na pagsasapribado ng MRT-3.
Patunay nito ang anunsyo ni NEDA chief Arsenio Balisacan na nagsabing aprubado na sa NEDA Board ang dagdag P7.6 bilyon para sa MRT-3 Rehabilitation project – para sa kabuuang P29.6 bilyon.