
DAPAT nang magpasya ang Kongreso kung itutuloy o ipagpapaliban ang kauna-unahang regular election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon kay Commission on Elections chairman George Garcia.
Ayon kay Garcia, meron na lang aniyang hanggang sa ikalawang linggo ng buwan ng Disyembre ang Kongreso para magdesisyon hinggil sa nakabinbin Senate Bill 2862 na nagtutulak ilipat ng petsa ang BARMM election sa Mayo 2026 sa halip na Mayo ng susunod na taon.
“Sana po ay may development kung matutuloy o hindi ang ating halalan sapagkat mag-iimprenta ang Comelec ng balota ng huling linggo ng Disyembre. So ibig sabihin po ifa-finalize namin ang list of candidates hopefully before December 13 of this year,” wika ni Garcia
“Ang timeline lang po talaga namin dito sa ganitong klaseng development ay more or less hanggang second week ng December,” dugtong ng Comelec chief.
Gayunpaman, tiniyak ni Garcia na handa ang Comelec anuman ang mapagpasyahan ng Kongreso.