HINDI angkop na maging laman ng balita ang mga tagapagbalita, ayon Undersecretary Joe Torres na tumatayong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).
Batay sa datos ng PTFoMs, pumalo na sa halos 200 kaso ng pagpatay sa hanay ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naitala sa nakalipas na dalawat kalahating dekada.
Sa naturang bilang, 75 kaso ang may kaugnayan sa peligrosong trabaho ng mga mamamahayag.
Kamakailan lang, bumisita si Torres sa tanggapan ng PNP Press Corps sa Camp Crame para talakayin ang estado, kinakaharap na hamon at pangangailangan ng mga lehitimong journo, bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga kaso ng pagpatay, panggigipit, at pananakot sa pagtupad ng trabaho.
Pag-amin ng PTFoMS executive director, may 12 kaso ng pagpatay ang patuloy na hinahanapan ng hustisya. Aniya, patuloy ang paghahanap ng mga kaukulang dokumentong patunay na naisampa ang kasong may kaugnayan sa pamamaslang sa mga mamamahayag.
Kabilang rin umano sa tinutukan ng PTFoMS ang 32 kaso ng kontrobersyal na Maguindanao Killings nong 2009. Aniya, marami na sa mga testigo at pamilya ng mga pinaslang na journo ang umatras dahil sa takot.
Panawagan ni Torres sa mga mamamahayag, huwag mag-alinlangan lumapit sa ahensya para humingi ng tulong sakaling makaranas ng mga pagbabanta. (EDWIN MORENO)
