
PIHADONG malamig na rehas ang kasasadlakan ng mga padre de pamilyang pabaya sa sandaling pagtibayin ang pinag-isang bersyon ng dalawang panukalang batas na naglalayong bigyan ng proteksyon ang inabandonang pamilya..
Sa ilalim ng Anti-Balasubas Bill na halaw sa House Bill 44 (Child Support Bill) at HB 8987 (An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support) na magkahiwalay na inihain nina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza, target pananagutin ang mga magulang na ayaw magbigay ng suporta sa kanilang mga anak.
Para kay Daza na tumatayong Kinatawan ng Northern Samar, napapanahon nang obligahin ang mga pabayang magulang na magbigay ng angkop na sustento sa tinalikuran – kung hindi man nilayasang anak, kesehodang anak sa asawa o sa ibang kinasama.
Sa idinaos na policy forum ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dinaluhan ng hindi bababa sa 100 indibidwal mula sa RTC Family Court Social Welfare, Social Welfare and Development Agencies (SWDAs), LGU-City Social Welfare and Development Office, KALIPI Organization, Council for Welfare of the Children, DSWD-CO at kawani ng DSWD-NCR at mga grupong kinabibilangan ng mga solo parents, tinalakay ang mga posibleng mekanismong naglalayong tiyakin may sustento ang mga inabandonang anak.
Bukod sa parusang kulong, layon din ng Anti-Balasubas Bill ang tulungan ang mga magulang na magkaroon ng trabaho para maitaguyod ang kinabukasan ng mga batang lubos na apektado ng sitwasyon sa pagitan ng kanilang ama’t ina.
“Dapat isipin ng mga magulang na obligasyon nila ibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak kahit pa wala ito sa kanilang kustodiya,” ayon kay Daza.
Sa HB No.44 ni Daza, tinutulak ang pagbibigay ng buwanang P6,000 (minimum) sustento ng mga magulang na hindi nagpapalaki sa kanilang mga anak, habang 10% ng kita ng amang nang-iwan sa pamilya ang target na sustento sa ilalim ng HB 8987 na inakda ni Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at nina ACT-CIS partylist Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap.
“Kaya inaayos namin at tuloy-tuloy ang aming pakikipag pulong at konsultasyon para maayos itong batas at gusto naming tiyakin mapoprotektahan ang mga solo parent at kanilang mga anak,” ani Tulfo.
Kapwa kumbinsido sina Tulfo at Daza na magkakaroon ng proteksyon ang mga batang iniwan ng kanilang magulang sa Anti-Balasubas Bill, kasabay ng pagbibigay katiyakan sa patuloy na konsultasyon sa iba’t ibang sektor sa layuning tiyakin pulido ang pinalakas na bersyon ng panukala.