
Ni Estong Reyes
DAPAT lang kunin ang opinyon at pananaw ng eksperto sa maritime at international law sa panukalang palitan ang pangalan ng West Philippine Sea (WPS) sa “Sea of Asia,” ayon kay Senador Grace Poe.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na dapat umasa tayo sa eksperto upang matugunan ang panukalang palitan ang pangalan ng ating teritoryo.
“Hindi dapat mawawala sa anumang inisyatiba ang ating territorial claim sa pinagtatalunang karagatan. Dapat mapanatili natin ang ating karapatan sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa,” ayon kay Poe.
Reaksiyon ito ni Poe sa plano ng Department of Justice’s (DOJ) na gamitin ang salitang “Sea of Asia,” sa halip na WPS sa paghahain ng reklamo laban sa China hinggil sa environmental damages sa Panatag Shoal at Spratly Islands sa susunod na taon (2024).
Sinabi ni Poe na kanyang suportado ang plano ng DOJ na maghain ng reklamo laban sa China hinggil sa maninira nito sa ating yaman-dagat, sa pagsasabing: “entails equal if not more focus from concerned agencies.”
“Patuloy namin na isusulong sa Senado ang pagbibigay ng mas malaking badyet sa navy at coast guard upang umangkop sa pagprotekta ng ating karagatan,” ayon sa mambabatas.
Ngunit, taliwas naman sa pananaw si Senador Jinggoy Estrada dahil kailangan gamitin ng gobyerno ang titulong WPS dahi ito ay pawang “a geopolitical designation of our government, an alternative name to the parts of the South China Sea that are within the Philippines’ Exclusive Economic Zone (EEZ) in which we have territorial and maritime claims in that region.”
Ikinatuwiran ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na gamitin ng Pilipinas ang salitang “Sea of Asia,” sa anumang reklamo laban sa China sa WPS region sa pamamagitan ng pagtutukoy ng bahagi ng karagatan bilang “shared resources” ng buong mundo.