DEAD on arrival ang 33-anyos na suspek matapos di umanong mang-agaw ng baril sa loob mismo ng istasyon ng pulis sa Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District, kinilala ang napatay na suspek sa pangalang Jose Lemery Palmares Jr. ng Brgy. Culiat, sa nasabing lungsod.
Ayon sa mga saksi, sumasailalim sa booking procedure ng QCPD Holy Spirit Station nang agawin ang service firearm ni Staff Sgt Juderick Latao na may hawak ng kasong robbery laban kay Palmares.
Dito na nabilis na tumugon ng putok ang iba pang pulis sa naturang istasyon. Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, inaresto si Palmares matapos ireklamo ng may-ari ng Balai Pandesal at Soya Bean Outlet na una nang pinasok at ninakawan ng suspek — batay sa kuha ng CCTV ng naturang establisimyento.
Ani QCPD Station 14 chief Lt. Col. May Genio, tinangka pang saksakin ni Palmares ang kahera ng hinoldap na establisimyento bago tumakas, tangay ang cellphone ng kahera at nasa P6,000 kita ng panaderya.
Agad naman nadakip ang suspek sa ikinasang follow-up operation.
“Nalingat ‘yung isa sa mga bantay… ay bigla na lang, hindi naman siya ‘yung involved na bantay dun, nadamba, nakuha ang baril niya. Eh napilitan ang mga pulis natin na barilin siya,” pahayag Torre III sa isang panayam sa radyo.
“Hindi naman natin kagustuhang patayin ‘yung tao na ‘yan. Nagkataon lang talaga na tawag ng pagkakataon. Dinala namin sa ospital, kung saan siya dineklarang dead on arrival.”