
SA gitna ng nakaambang implementasyon ng Food Security Emergency, dapat kasabay na pagtuunan ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng aning palay ng mga lokal na magsasaka, ayon kay Agri partylist Rep. Manoy Wilbert Lee.
Panawagan sa Kongreso ni Lee na kabilang sa talaan ng mga kandidato para sa nalalapit na halalan sa Mayo, paspasan ang pag-apruba sa mga nakabinbing panukala na nagtutulak magkaroon ng murang bigas sa mga pamilihan at mapatatag ang suplay ng mga produktong pagkain.
“In declaring a food security emergency, NFA can buy locally produced rice from farmers or farmers’ cooperatives, and sell it at a lower price. This is precisely the intent of our House Bill 9020 or the Cheaper Rice Act which we filed in August 2023,” pahayag ng Bicolano solon.
“Sa panukalang batas na ito, bibili tayo ng palay sa mga lokal na magsasaka na mas mataas ang presyo, magdadagdag tayo ng hanggang sampung piso para matiyak ang kanilang kita, at ibebenta naman sa merkado sa mas murang halaga,” dugtong ng mambabatas.
Sa bisa aniya ng naturang panukala, mas lalong mai-engganyo ang mga magsasaka paramihin ang produksyon na makakatulong tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng bigas.
“Matagal na nating isinusulong ang mekanismong ito para matulungan ang ating mga magsasaka na itinuturing natin na food security soldiers. Hindi rin papopormahin ng panukalang batas na ito ang mga mapagsamantalang middlemen o traders dahil gobyerno na ang direktang bibili sa mga lokal na magsasaka,” paliwanag ng Agri partylist solon.
“Sa pagpapatupad ng food security emergency, dapat gawing prayoridad ang pagbili mula sa lokal na mga magsasaka, at hindi sa importasyon, para makapag benta ng mas murang bigas,” giit ni Lee.
Kasabay ng panukala niyang Cheaper Rice Act, isinusulong din ng Agri partylist group ang mas maraming proyekto para sa post-harvest facilities at farm equipment sa mga magsasaka, gayundin ang pagbubukas ng mga Kadiwa centers sa buong bansa.
“Kung kumpleto ang suporta sa mga lokal na magsasaka, hindi na sana kailangan pang magdeklara ng food security emergency. Sa pagsasabatas ng mga panukalang batas na ito, naniniwala tayo na mapapababa ang presyo ng bigas hanggang makamit na yung layunin ng gobyerno na bente pesos per kilo,” ani Lee. (Romeo Allan Butuyan II)