HINDI angkop na magmakaawa ang mga maralita para malunasan ang iniindang karamdaman sa pribado man o pampublikong pagamutan, ayon kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee.
Sa inihaing House Resolution 2124, binigyang halaga ni Lee ang epektibong implementasyon ng Republic Act 11223 na mas kilala sa tawag na Universal Health Care Act.
“The UHC Act, signed into law in 2019, guarantees that all Filipinos will have access to comprehensive health services, including outpatient services and specialty care. Several years have passed since this was enacted but Filipinos, especially the indigents, remain burdened with lack of hospital care,” dismayadong pahayag ng Bicolano solon.
Para kay Lee, dapat sagutin na lamang ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang “unpaid” o hindi mabayaran hospital bill ng mga maralitang pasyente — kesehodang sa pribadong ospital o pampublikong pagamutan.
“Simplify, streamline, and liberalize the requirements for hospitals and patients. Pagaanin natin ang pasanin ng mga pasyente at kanilang pamilya na nag-aalala na nga sa sakit ay problemado pa sa gastusin sa gamot at pagpapagamot,” giit pa ni Lee.
“Tulungan natin sila, imbes na pahirapan!,” dugtong ng kongresista.
Puna ni Lee, masyadong marami at pahirap ang hinihinging dokumento para sa proseso ng medical assistance, lalo sa hanay ng mga mahihirap na walang sapat na kakayahan, kaalaman at suporta para tupdin ang komplikadong panuntunan.
“Tanggalin kung ano ang mga balakid sa pagpapabilis ng pagbabayad ng DOH at PhilHealth sa mga ospital para mapabilis ang pagkakaloob ng mga benepisyo. Habang di nababayaran ang mga ospital, milyon-milyong nating mga kababayan ang napagkakaitan ng mga serbisyong pangkalusugan,” anang AGRI partylist congressman.
“Ang gobyerno, hindi dapat pabigat sa taumbayan. Wala na dapat mga Pilipino ang nagmamakaawa sa mga ahensya o nasa katungkulan kapag may kailangan, yung halos lumuhod pa para matulungan sa pagbili ng gamot at pagpapagamot,” diin pa niya.
“Ang gamot at pagpapagamot, dapat libre na, dapat sagot na ng gobyerno. Ang pinaglalaban natin: Gamot Mo, Sagot Ko!” (Romeo Allan Butuyan II)
