BILANG bahagi ng isang linggong selebrasyon ng ika-125 Anibersaryo ng Pagkatatag, inanunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagbibigay ng P3,000 anniversary bonus sa lahat ng kwalipikadong guro at kawani.
Ayon sa DepEd Order No. 11, s. 2023 o ang “Policy on the Grant of Anniversary Bonus in the Department of Education,” ang mga kwalipikadong kawani ay tatanggap ng anniversary bonus na di lalampas sa P3,000, ngunit kinakailangan na sila ay nakapagserbisyo ng isang taon sa Kagawaran mula sa petsa ng milestone year.
Sinasabi rin ng kautusan na lahat ng opisyales at kawani ng DepEd na nagtatrabaho ng full-time o part-time basis, permanent, coterminous, provisional, temporary, casual, o contractual, na ang trabaho ay tulad ng regular na empleyado, ay kwalipikadong makatanggap ng anniversary bonus.
Sa kabilang banda, ang mga absent without leave (AWOL) o wala na sa serbisyo mula Hunyo 23, napatunayang nagkasala na may koneksyon sa kanilang trabaho sa 5 taong interval sa pagitan ng milestone years, maging ang mga Consultants, Contract of Service, Job Orders, ay di sakop ng grant.
Dagdag pa rito, ang kautusan ay nagbibigay ng multi-year policy guideline sa pagbibigay ng anniversary bonuses (AB) sa lahat ng opisyal at empleyado ng DepEd sa bawat milestone year simula FY 2023, at sa mga susunod pa na milestone year.
Ang DepEd ay itinatag noong Hunyo 23, 1898, na may mandato na magbigay ng dekalidad na pangunahing edukasyon sa mga mag-aaral, ay ipagdiriwang ang ika-125 anibersaryo ngayong taon. Ang milestone year ay ang 15th anibersaryo ng ahensya ng gobyerno at tuwing limang (5th) taon matapos nito.
Ipatutupad ang pamamahagi ng anniversary bonus mula Hunyo 23 ng milestone year.