Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang prominenteng mambabatas ng Kamara, higit na angkop sampahan ng kasong kriminal ang mga opisyales ng Department of Education kaugnay ng pamamahagi ng panis na gatas at inaamag na nutribun sa mga batang mag-aaral.
Partikular na tinukoy ni Ako Bicol partylist Rep. Rizaldy Co ang binili ng DepEd sa halagang P5.7 bilyon sa ilalim ng school-based feeding program ng dating Education Secretary Sara Duterte at ng iba pang opisyales ng kagawaran.
“Kawawa yung mga bata sa ating public schools na intended beneficiaries. Sana di sila nakainom ng sirang gatas or nakakain ng bulok na tinapay, pero baka nagutom sila,” wika ni Co na tumatayong chairman ng House Committee on Appropriations.
Kumbinsido si Co na isang ‘criminal negligence’ ang insidente, kasabay ng giit na parusahan ang mga responsable.
Una nang nanindigan sina ranking House members, Zambales Rep. Jay Khonghun at La Union Rep. Paolo Ortega V. Anila, malinaw sa sabit sina Duterte at iba pang mga opisyales ng ahensya base sa doktrina ng ‘command responsibility.’
Gayunpaman, nilinaw nina Khonghun at Ortega na mas mabigat ang pagkakasala ng bise-presidente kumpara sa mga nasa mas mababang posisyon.
Kinastigo rin ni Khonghun ang aniya’y kapalpakan ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Bukod anila sa bigo ang DepEd magbigay ng masustansyang pagkain, nawalan din ng oportunidad ang mga estudyante na makapag-aral na mabuti.
“Kapag gutom ka, kumakalam ang sikmura mo – maging bata o matanda – ay di ka makapag-focus sa pag-aaral o sa anumang ginagawa mo,” pahayag ng Zambales lawmaker.
Paalala naman ni Ortega, layunin ng school-based feeding program bigyan ng sapat na nutrisyon ang mga estudyante habang nasa loob ng paaralan.
“Eh kung sıra ang gatas at nutri-bun o tinapay na dineliver, anong kinain ng mga bata? Wala. Kung ako ang magulang ng mga apektadong bata, magagalit ako,” diin ng La Union solon.
“That is why we say this is criminal neglect on the part of the implementers of the program, from the highest level at DepEd to the level of the school-recipient,” nagkakaisang pahayag nina Khonghun at Ortega.
Dagdag ng dalawa, mas malaki ang pagkakasala ng mga palpak na DepEd official kung mayroong napahamak o nagkasakit na mga estudyante dahil sa pag-inom ng sirang gatas o kaya’y inaamag na nutribun.
“Sana wala namang na-ospital sa kanila (mga estudyante). The suppliers are equally guilty and they, too, should be punished,” dagdag nila.
Base mismo sa report ng Commission on Audit (COA), libo-libong batang mag-aaral ang apektado dahil pawang dispalinghado ang idineliver na gatas at tinapay sa 10 rehiyon sa bansa.
“Karamihan nitong sampung rehiyon ay nasa Mindanao. Mistulang pinabayaan ng tanggapan ni VP ang mismong kanyang mga kababayan doon.”
