HINDI pa man ganap na nabibigyang linaw ang eskandalong yumanig sa Department of Education (DepEd), tuluyan nang nagbitiw sa pwesto ang isang Undersecretary na di umano’y sangkot sa kontrobersyal na pagbili ng mga sinaunang laptop para sa mga guro ng pampublikong paaralan.
Pag-amin ni Usec. Kris Ablan, Abril 28 pa siya ng magbitiw sa kagawaran, kasabay ng giit na walang kinalaman sa kanyang pagbaba sa pwesto ang P2.4-billion procurement deal ng kagawaran.
“Yes, I’m out but my resignation has nothing to do with the laptop… or Transpac reports of Rappler. In due time, I will answer point by point the issues raised by those reports in order to clear my name,” ani Ablan.
Kabilang si Ablan sa dalawang opisyal ng DepEd na napaulat na nakipag transaksyon sa Transpac CargoLogistics Inc., para sa distribusyon ng P2.4 bilyong halaga ng tinaguriang ‘Jurassic Laptops.’
Bukod kay Ablan, Isa pang opisyal ng departamento – Assistant Secretary Christopher Lawrence Arnuco – ang nagbitiw na rin umano sa kagawaran.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang bibig ni Director Michael Poa na tumatayong tagapagsalita ng DepEd.
Umani ng kabi-kabilang batikos ang DepEd noong huling bahagi ng 2022 matapos mabunyag ang di umano’y overpricing sa P2.4-billion laptop deal. Bukod sa isyu ng over-pricing, napag-alamang ‘sinaunang’ learning gadgets ang binili ng gobyerno para sa mga guro ng mga pampublikong paaralan.
Kaladkad rin ang pangalan ng isang prominenteng kongresista na di umano’y supplier ng mga ‘obsolete laptops.’