
ISANG buwan matapos simulan ang manhunt kaugnay ng pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., napatay sa engkwentro ang pinaniniwalaang utak sa likod bigong tangka sa buhay ng punong lalawigan.
Sa ulat ni Lanao del Sur provincial police chief Col. Robert Daculan, kinilala ang napatay na suspek sa pangalang Oscar Tacmar Capal Gandawali na di umano’y lider ng armadong grupo sa likod ng pananambang kay Adiong noong Pebrero 17.
Sa pinagsamang salaysay ng mga pulis at sundalong kasama sa operasyon, mas pinili di umano ng suspek na makipagsabayan ng putok kesa sumuko sa mga operatibang maghahain lang sana ng mandamiento de arresto sa pinagkukutaan sa bayan ng Maguing sa naturang lalawigan.
Sugatan sa palitan ng putok ang dalawa katao – Staff Sgt. Michael Angelo Virecio ng 5th Infantry Battalion at Chairman Gamon Manonggiring ng Barangay Pilimoknan kung saan inabutan ang target.
Ayon kay Daculan, walong warrant of arrest ang bitbit ng pulisya patungo sa lugar kung saan di umano nagtatago ang suspek. Gayunpaman, hindi na nakarating sa pinagkukutaan ng suspek ang mga operatibang agad na pinaputukan ni Gandawali.
Mabilis na nakatakas ang mga kasama ng pinaslang na lider ng armadong grupo.
Batay sa impormasyon ng pulisya, dawit din si Gandawali sa pagpatay sa limang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Kapai noong Oktubre ng taong 2018.
Kabilang sa mga narekober sa paghupa ng putukan ang samu’t-saring baril, bala at droga.