November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

NO PERMIT, NO EXAM POLICY TULOY — COCOPEA

NI JIMMYLYN VELASCO

WALANG plano ang mga pribadong paaralan itigil ang implementasyon ng “no permit, no exam” policy.

Sa isang pahayag, nanindigan ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) sa pinaiiral na polisiyang anila’y layon lamang maiwasan maipon ang utang ng mga estudyante – bukod pa sa katiyakan ng walang puknat na pagbabahagi ng kaalaman sa patuloy na operasyon ng kanilang paaralan.

Ayon kay Kristine Carmina Manaog na tumatayong abogado ng COCOPEA, maiiwasan ang pagsasara ng mga pribadong eskwelahan kung may pondong mahuhugot mula sa matrikulang binabayad ng mga estudyante.

“Ang no permit, no exam policy ay preventive measure na hindi tayo aabot sa punto na nag-a-accumulate ‘yung utang or bayarin ng ating students,” ayon sa abogadong COCOPEA spokesperson.

Para kay Manaog, regular cash flow lang ang garantiya ng patuloy nilang operasyon – taliwas sa kalakaran ng mga pampublikong paaralan.

“Nakadepende lang po kami sa maagap na pagbabayad ng tuition,” wika niya.

Base aniya sa mga pag-aaral, posibleng magsara na lang ang mga pribadong paaralan kung hindi magagawang makasingil ng matrikula sa loob lang ng pitong buwan.

“Ayon sa pag-aaral namin, if napatupad itong “no permit, no exam” bill… ang aming collectibles ay kaya lang kaming matustusan o kaya lang naming mag-survive for the next two months,” aniya pa.

“Ganun ka-vulnerable and sensitive ang financial capabilities and status ng ating private schools, na if mawawala ‘yung ganung effective means for us to promptly collect and if mawala yung sense of urgency or moral compulsion to pay on time, yun ang kalalabasan ng ating private education sector.”

“Makikita natin na in a matter of few months, isa-isa po silang magsasara,” dagdag pa ni Manaog.

Buwan ng Mayo nang pagtibayin ng Kongreso ang panukalang batas na nagbabawal sa implementasyon ng “no permit, no exam” policy.