November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

BULKANG TAAL SUMAMBULAT, ISLA BINALOT NG ABO

Ni LILY REYES

MATAPOS ang mahabang pagbabadya, tuluyan nang sumabog Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa ulat ng Phivolcs, dakong alas 4:30 ng hapon nang pumutok ang bulkan kasabay ng tuloy-tuloy na pagbuga ng makapal na ukol sa loob ng 11 minuto.

Bandang alas 5:13 ng hapon kumalma ang pagbubuga ng makapal na usok. Gayunpaman, nananatili sa ilalim ng Alert Level 1.

Sa Taal Volcano advisory ng Phivolcs, nagbabala ang ahensya sa anila’y posibilidad ng mga phreatic eruptions, volcanic earthquakes, minor ashfall, at mataas na antas ng sulfur dioxide.

Mahigpit pa rin ipinagbabawal ang pagpunta sa isla, gayundin sa Permanent Danger Zone (PDZ) higit lalo sa bunganga at sa tinaguriang Daang Kastila. 

Hibnikayat din ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan sa paligid ng bulkan manatiling nakaantabay sa mga susunod na kaganapan.

Nagpapatupad din ng no-fly zone sa himpapawid malapit sa Taal.

Bago ang pagsabog, limang phreatic eruptions ang naitala sa Bulkang Taal, bukod pa sa anim na volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang 10 minuto.

Sa pagtataya ng ahensya, umabot sa 1,354 tonelada ng sulfur dioxide gas ang ibinuga ng bulkan noong Lunes, katamtamang pagbuga ng mga plume na umaabot sa 2,100 metro ang taas at sa direksyon ng hilagang-silangan.