INALMAHAN ng hindi bababa sa 1,300 katutubo ang di umano’y hayagang paglapastangan sa kalikasan ng mga Chinese nationals na di umano’y nasa likod ng illegal mining activities sa Surigao City.
Sa isang petisyong isinumite sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular na tinukoy ng mga residente mula sa dalawang barangay sa sakop ng lungsod ang Palau Pacific Partners.
“We are in danger. We need help. Ang dating payapang pamayanan, mabilis na winasak ng ilegal na pagmimina,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng katutubong Mamanwa.
Ayon sa mga katutubong Mamanwa, Disyembre ng nakalipas na taon nang una nilang mapansin ang pagdagsa ng mga dayuhan sa kanilang lugar.
Matapos anila ng isang buwan, sinimulan na umano ng Palau Pacific Partners ang walang humpay na pagmimina ng ginto sa Sitio Bakahan, Barangay Mabini ng nasabing lungsod – sa kabila ng kawalan ng mga kaukulang permiso mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“Malinaw naman large-scale mining ang ginagawa ng Palau Pacific Partners dito sa amin kahit wala silang permit, clearance at iba pang requirements. Hindi nga kami kinonsulta man lang,” anang tribo.
Hirit ng mga katutubo, isang imbestigasyon sa anila’y large-scale illegal mining sa Surigao, kasabay ng panawagan sampahan ng kaso ang mga Chinese nationals at mga kasabwat sa pamahalaan.
Tikom naman ang bibig ni Surigao City Mayor Paul Dumlao. Wala rin pahayag ang DENR.
