BAGAMAT tapos na ang makulay na Higantes Festival, tuloy ang pagdiriwang sa baybaying bayan na mas kilala bilang Art Capital of the Philippines — ang munisipalidad ng Angono.
Sa isang pahayag, binigyang pagkilala ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang mga kawani para sa aniya’y sigasig, sakripisyo at pagsisikap para tiyakin ang epektibong implementasyon ng tinaguriang “transparency and accountability” sa mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan.
“Ito ay nagpapatunay ng higanteng tagumpay ng bayan para sa administratibo at pinansyal na katayuan ng lokal na pamahalaan, kabilang na ang aktibidad sa negosyo, katatagan at paghahanda sa panganib ng kalamidad, programa sa sining at turismo, at kapayapaan at kaayusan,” wika ni Calderon sa isang mensahe matapos personal na tanggapin ang ikapitong Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang pagtitipon sa Manila Hotel Tent City kamakailan.
Batay sa rekord ng DILG, taong 2015 nang magsimulang humakot ng parangal ang bayan ng Angono sa iba’t ibang kategorya.
Samantala, tiniyak ng DILG na hindi limitado sa pagkilala ang natamong parangal ng mga lokal na pamahalaan, kasabay ng anunsyo sa anila’y nakalaang gantimpala – P3 milyon para sa bawat waging probinsya, P2 milyon sa kada nanalong lungsod at P1,153,000 naman sa mga munisipalidad.
Sa kabuuan, umabot sa 714 local government units (LGU) ang nakalusot sa mahigpit na pamantayan ng kagawaran sa SGLG – mas marami kumpara sa 493 LGUs na naitala noong nakaraang taon.
