Ni LILY REYES
ASAHAN ang mas matinding init sa National Capital Region (NCR) at Northern Luzon mga susunod na linggo bunsod ng epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Joey Villarama na tumatayong tagapagsalita ng Task Force El Niño, posibleng pumalo hanggang 40 degrees Celsius ang init factor sa malaking bahagi ng Luzon sa kabila pa ng umiiral na northeast monsoon (hangin amihan).
“As early as January, we were already experiencing a strong and mature El Niño. There is no quantitative measure of what a strong and mature El Niño is, but let’s say it should be cold now, but it’s already quite warm,” ani Villarama.
Sa pag-aaral ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maglalaro ang temperatura sa ibang bahagi ng bansa sa 36.5 degrees Celsius, habang inaasahan naman ang mas mataas na antas ng alinsangan sa Metro Manila at Ilocos region.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, nasa 17 lalawigan ang apektado ng El Niño phenomenon, habang 10 lalawigan naman ang iniinda ang kawalan ng ulan. Nasa 14 na probinsya ang dumaranas ng matinding tagtuyot na dahilan ng pinsala sa agrikultura sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Sa pagtataya ng pamahalaan, umabot na sa P151 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasirang pananim ng mga magsasaka.
Inaasahan din ng PAGASA na mas titindi pa ang epekto ng El Niño pagsapit ng Abril at Mayo.
