![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/03/fishing-ban.jpg)
MATATAGALAN pa bago makapaglayag ang libo-libong mangingisda sa mga lalawigang apektado ng tumagas na langis mula sa MT Princess Empress noong Pebrero 28 sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro.
Sa kalatas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nanindigan ang ahensya sa patuloy na pagpapairal ng fishing ban sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Batay sa resulta ng pag-aaral sa water samples na kinuha sa karagatang sakop ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Calapan, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, and Roxas sa Oriental Mindoro at Caluya sa Antique, pasok sa pamantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kalidad ng tubig para sa pangingisda.
Gayunpaman, hindi pa rin kumbinsido ang BFAR – “The Bureau recommends keeping fishing bans in these municipalities since the initial analyses are not yet conclusive evidence as far as food safety is concerned”
Paliwanag ng BFAR, mayroon pa rin anilang low-level contaminants o polycyclic aromatic hydrocarbons (PAH), na posibleng magdala ng peligro sa mga tao at iba pang buhay na organismo sa mga pangisdaan.
Pagtiyak ng ahensya, patuloy ang pagsusuri ng water at fish samples sa mga apektadong lugar sa hangaring mabatid ang lawak ng pinsala sa industriya ng pangingisda.
Target din umano nilang tiyakin munang ligtas kainin ang malalambat na isda mula sa nasabing mga lugar.