
SA laki ng alok na gantimpala, posibleng madakip na anumang oras ang suspek sa likod ng pamamaslang ng 22-anyos na estudyante ng De La Salle University – lalo pa’t tukoy na ang pagkakakilanlan ng salarin.
Sa kalatas ng lokal na pulisya, isang nagngangalang Angelito Erlano, alyas Kulet ng Barangay San Nicolas, Dasmarinas City ang pumatay kay De La Salle Computer Science student Queen Leanne Daguinsin sa loob ng mismo ng tinutuluyang dormitoryo sa Barangay Sta. Fe ng nasabing lungsod noong Marso 25.
Ayon kay Dasmarinas PNP, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek batay sa kuha ng CCTV at bunsod ng isinagawang hot pursuit operation kung saan narekober di umano ng mga operatiba ang itim na bag na pag-aari ng biktima.
Nang puntahan di umano ng mga pulis ang tahanan ng suspek, tanging mga kaanak lang ang inabutan. Ayon sa pamilya ni Erlano, di na umano umuwi sa kanilang lugar ang suspek na suspek din sa panghahalay ng inaanak ng kanyang tiyuhin.
Tumataginting na P1.1 milyon ang gantimpalang inilaan sa ikadarakip ng Erlano na minsan na rin nadawit sa kasong robbery noong nakalipas na taon.